Patay ang isang wanted sa tatlong mga criminal cases sa iba’t-ibang korte at kilalang illegal firearms dealer nang manlaban sa mga pulis na kanyang nabentahan ng dalawang assault rifles sa isang entrapment operation sa Barangay Korosoyan sa Barira, Maguindanao del Norte nitong Huwebes, July 17, 2025.
Sa ulat nitong Biyernes ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, aarestuhin na sana ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group si Porok Marandakan Ragundo matapos magbenta sa kanila ng mga baril sa isang lugar sa Barangay Korosoyan, ngunit pumalag kaya nagkaputukan na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.
Katuwang ng mga operatiba ng CIDG ang mga tropa ng Marine Battalion Landing Team-2 at Barira Municipal Police Station sa naturang entrapment operation.
Sakop ng MBLT-2 ng 1st Marine Brigade ang Barira at ilang mga kalapit na bayan sa Maguindanao del Norte, isa sa limang probinsya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang nasawing si Ragundo, sangkot din sa pagbebenta ng shabu at marijuana, ay may mga kinakaharap na kasong frustrated murder, nakatala bilang Criminal Case 2018-10166, robbery, Criminal Case 2020-11331, at murder, Criminal Case 2022-13448, na nakabinbin sa iba’t-ibang mga korte sa Cotabato City.
Nasamsam mula sa kanya ng mga Marines at mga kasapi ng CIDG Regional Field Office-Bangsamoro Autonomous Region ang isang M14 rifle isang M16 rifle at mga bala at isang granada sa entrapment operation na nauwi sa shootout na nagsanhi ng kanyang pagkamatay.
Pinasalamatan ni De Guzman ang MBLT-2 sa pagsuporta sa naturang law-enforcement operation. (July 18, 2025, handout photo)

Leave a Reply