SMI, Naghatid ng Tulong sa mga GIDA Communities sa Tampakan

TAMPAKAN, South Cotabato — Nagpatuloy ang community outreach ng Sagittarius Mines, Inc. (SMI) sa pamamahagi ng tulong sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) sa Brgy. Tablu nito lang nakaraang buwan.

Saklaw ng aktibidad ang Sitio Tokaymal, Bato/Quiapo, Datal Mangisi, Logdeck, at Mangga, na tinutulungan ang mga pamilyang may limitadong access sa basic goods at serbisyo.

Sa ulat ng mga media outfits sa Central Mindanao nitong Miyerkules, namahagi ang SMI ng food packs na may bigas, asukal, kape at iba pang pangunahing pangangailangan upang makatulong sa araw-araw na gastusin ng mga pamilya. Kasama rin ang maternity at newborn kits para sa mga buntis at sanggol, at hygiene kits para sa mga bata upang mapalakas ang kalusugan at kalinisan sa komunidad.

“Nagapasalamat gyud kami sa SMI sa ilang bulig sa amon, especially ag bugas, dako gid ni nga tabang specially sa sitwasyon nga gina atubang namon subong,” ani Rowena Basas, isa sa mga residente ng Sitio Tokaymal na nakatanggap ng tulong mula sa SMI.

Ito ay bahagi ng patuloy na programa ng SMI na naglalayong suportahan ang mga malalayong komunidad sa larangan ng kalusugan, nutrisyon, at kabuhayan, tungo sa mas matatag at inklusibong pag-unlad.

Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatiba, patuloy na pinapalakas ang ugnayan ng kumpanya at komunidad upang masiguro na walang maiiwan, lalo na sa mga liblib na lugar na higit na nangangailangan ng suporta at pagkakataon para sa mas maayos na pamumuhay. []