Serbisyo ng PDEA-BARMM sa Tawi-Tawi pinarangalan

COTABATO CITY (April 2, 2026) — Binigyan ng kaukulang pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan ng Tawi-Tawi ang pangkat sa probinsya ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kaugnay ng masigasig na anti-illegal drugs operations nito.

Mismong si Vice Gov. Al-syed Sali ang siyang nag-gawad ng written citation kay PDEA-BARMM Tawi-Tawi head Abraham Kalim nitong Miyerkules, April 1, kasunod ng kanilang hiwalay na pagtanggap ng kahalintulad na award sa ginawang symbolic na Gabi ng Parangal event ng provincial government nitong gabi Martes sa Bongao, ang kabisera ng probinsya.

Ang naturang mga hiwalay na special commendations ay bilang pasasalamat na rin ng mga provincial officials kina Kalim, sa kanyang mga kasama sa PDEA-BARMM Tawi-Tawi team at sa kanilang regional director, si Edgar Jubay, dahil sa kanilang malalaking accomplishments kaugnay ng kanilang anti-narcotics operations sa probinsya nitong nakalipas na ilang mga buwan.

Milyon-milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng PDEA-BARMM Tawi-Tawi team sa mga serye ng operations nitong nakalipas na ilang buwan sa ibat-ibang mga island municipalities sa probinsya.

Ayon kina Kalim at Jubay, naikasa ang naturang mga matagumpay na anti-narcotics operations sa tulong ni Gov. Ysmael Sali, na siyang chairman ng Tawi-Tawi multi-sector provincial peace and order council, ng ibat-ibang police units sa probinsya na sakop ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng Western Mindanao Command ng militar na pinamumunuan ni Army Lt. Gen. Donald Gumiran. []