Ramadhan bigas mula BARMM parliament member, walang patid

COTABATO CITY (February 28, 2026) — Mahigit 3,000 bags na ng bigas ang naipamahagi, bilang Ramadhan offering, ng tanggapan ng isang abogadong kasapi ng 80-seat Bangsamoro parliament sa mga mahihirap na residente ng Cotabato City at sa bagong tatag na Pahamuddin municipality sa Bangsamoro Special Geographic Area sa probinsya ng Cotabato mula pa nitong nakalipas na linggo.

Isang public service team ng tanggapan ni Parliament Member Naguib Sinarimbo, naging local government minister muna ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao bago naging member of BARMM parliament mula pa nitong March 2025, ang siyang nagsasagawa ng naturang nagpapatuloy na Ramadhan outreach mission na suportado ni Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua.

Nagsimula ang pag-obserba ng mga Muslims sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ng banal na buwan ng Ramadhan noong Huwebes ng nakalipas na Linggo, February 19. Nagpupuasa ang mga physically-fit na mga Muslims mula madaling-araw hanggang takipsilim tuwing banal na buwan ng Ramadhan bilang religious obligation.

Sa isang official statement nitong Biyernes, February 27, ng tanggapan ni Sinarimbo sa BARMM parliament, ipinaliwanag nito na dahil sa kakulangan ng sapat na pondo, prayoridad na mga benepisyaryo ng kanilang Ramadhan rice distribution activity ang mga low-income households, o mga pamilyang hikahos, mga manggagawang arawan ang sahod at mga senior citizens na walang pinagkikitaan para sa kanilang mga araw-araw na pangangailangan. []