Magkatuwang na nakumpiska ng mga pulis at ng local executives sa Datu Odin Sinsuat (DOS) sa probinsya ng Maguindanao del Norte ang P1.3 million na halaga ng mga imported na sigarilyong lulan ng isang van-type truck na kanilang naharang sa sentro ng naturang bayan nitong hapon ng Huwebes, July 31, 2025.
Nasa kustodiya na ng DOS Municipal Police Station ang 122 na kahon na may lamang sigarilyong iba’t-ibang mga brands na gawa sa Indonesia.
Ihahatid sana ng van-type truck ang naturang kontrabando sa mga buyers sa magkatabing mga bayan ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte ng masabat sa Barangay Poblacion Dalican sa DOS ng mga operatiba ng municipal police force, pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin, at nila Mayor Abdulmain Abas at Vice Mayor Bobsteel Sinsuat.
Pansamantalang nakadetine sa DOS Municipal Police Station para sa procedural questioning ang driver ng truck na pinagkargahan ng imported na mga sigarilyo, si Rodel Lemon, 38-anyos, taga Barangay Sta. Barbara, Zamboanga City, at ang kanyang 29-anyos na helper na si Richard Aninion, taga Astorga sa Sta. Cruz, Davao del Sur.
Agad na nagpasalamat si Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, kina Mayor Abas at Vice Mayor Sinsuat at kanilang mga constituent-local officials sa pagsuporta sa naturang anti-smuggling operation.
Nakatakda ng ipakustodiya sa Bureau of Customs ang mga nakumpiskang mga imported na mga sigarilyo. (Handout police photo, July 31, 2025, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)

Leave a Reply