Nang-agaw ng motorsiklong nakapatay ng rider, tepok sa engkwentro

COTABATO CITY (February 17, 2026) — Isa sa dalawang mga suspects sa pang-aagaw ng isang motorsiklo at pagpatay pa ng rider nito noong Sabado ang napatay ng manlaban sa mga law-enforcement agents na aaresto sana sa kanya sa Barangay Mirab sa Upi, Maguindanao del Norte nitong gabi ng Lunes, February 16.

Ang napatay sa naturang pursuit operation ng mga kinauukulan ay positibong kinilalang isa sa dalawang sangkot sa pagpatay, gamit mga pistol, sa 33-anyos na si Datu Wel Diocolano bago nila tinangay ang kanyang Yamaha NMax sa Barangay Margues sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Sabado.

Ayon sa mga saksi, aarestuhin sana ng mapayapa ng isang government law-enforcement team ang suspect, pansamantalang kinilala lang na si Arief, ngunit pumalag ito at nanlaban kaya nagkaputukan na nagsanhi sa kanyang agarang pagkamatay.

Mismong ang first-term vice mayor na si Sinsuat at ilang barangay officials sa Datu Odin Sinsuat ang nagsikap na matunton, mula pa nitong Sabado, ang dalawang pumatay kay Diocolano. Nag-alok si Sinsuat ng pabuyang P100,000 sa sinumang makakaturo sa kanilang local government unit at pulisya sa kinaroroonan nila Arief at kanyang kasama.

Nagpapatuloy pa ang kanilang paghahanap sa isa kasabwat ni Arief, na kilalang dealer din ng shabu at marijuana, sa pang-aagaw ng motorsiklo ni Diocolano at pagpatay sa kanya isang bahagi ng Cotabato-Isulan Highway sa Barangay Margues sa Datu Odin Sinsuat.