Murder suspect naaresto sa Datu Odin Sinsuat

COTABATO CITY (January 9, 2026) —- Natunton at agad na naaresto ng mga pulis nitong gabi ng Huwebes, January 8, sa Barangay Tamontaka sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang isang residente ng isang barangay dito sa lungsod na wanted sa mga hiwalay na kasong murder at robbery.

Magkatuwang na natunton at naaresto ng magkasanib na mga operatiba ng Cotabato City Police Station 2 at mga kasapi ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa Zone 4 sa Barangay Tamontaka ang wanted na si Narex Kalog Budzal, may kinakaharap na mga kasong murder at robbery sa isang korte sa Cotabato City.

Sa ulat nitong Biyernes ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagtulungan ang mga tropa ng Datu Odin Sinsuat police force, sa pangunguna ng kanilang hepe na si Lt. Col. Esmael Madin, at mga operatiba ng Cotabato City Police Station 2, pinamumunuan ni Captain Anuar Mambatao, sa paghanap at pag-aresto sa suspect sa Zone 4 sa Barangay Tamontaka.

Walang piyansang itinakda para pansamantalang paglaya ni Budzal ang korte kung saan may naisampa na kasong murder at robbery laban sa kanya

Ang warrant of arrest para kay Budzal ay mula Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City, may petsang December 17, 2025, may lagda ni Judge Ysnaira Ibrahim.

Itinuturo siyang responsable sa pagpatay ng isang kasapi ng LGBTQ community sa Cotabato City nitong nakalipas lang na taon kung saan kanya pa diumanong ninakawan ang mga personal na gamit, pera at mga alahas ang biktima.

Makikita sa larawan si Budzal na nakaupo, ngayon nasa kustodiya na ng pulisya.