COTABATO CITY (March 11, 2026) — Nabawi ng pulisya at ng mga local executives nitong Martes, March 10, sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur ang isang motorsiklong naagaw sa may-ari na naharang at pinatay pa ng mga armadong motorista sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong February 14.
Mismong ang director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, si Brig. Gen. Jaysen De Guzman, ang nagkumpirma nitong Miyerkules ng pagkakabawi ng naturang naagaw na Yamaha NMAX sa magkatuwang na inisyatibo nila Datu Odin Sinsuat Vice Mayor Bobsteel Sinsuat, ng mga operatiba ng kanilang municipal police at ni Major Francisco Tugas na hepe ng Shariff Aguak Municipal Police Station.
Ang naturang Yamaha NMAX ay pag-aari ni Datuwel Diocolano, naagaw sa kanya noong February 14 ng mga armadong kalalakihan isang bahagi ng Cotabato-Isulan Highway sa Barangay Margues sa Datu Odin Sinsuat matapos siyang mapatay ng mga ito sa pamamaril.
Ayon kay De Guzman, natunton nila first-term vice mayor Sinsuat at nila Tugas at Capt. Sammy Paning, na siyang deputy police chief sa Odin Sinsuat, at ng mga tropa ng ibat-ibang PRO-BAR units at mga sundalong sakop ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang motorsiklo ng napaslang na si Diocolano sa isang joint operation na kanilang ikinasa batay sa ulat ng mga impormanteng alam ang pagkaka-benta nito ng mga pumatay kay Diocolano sa isang residente ng Barangay Kuloy sa Shariff Aguak.
Ayon kay De Guzman, tumulong din sa pagbawi ng naturang motorsiklo ang barangay officials sa Kuloy sa Shariff Aguak, isa sa 24 na mga bayan sa Maguindanao del Sur.
Pinasalamatan nila De Guzman at ng mga officials ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office sina Sinsuat at ang kanilang mayor, si Abdulmain Abas, na siyang chairman ng Datu Odin Sinsuat Municipal Peace and Order Council, sa kanilang malaking ambag sa pagkakabawi nitong Martes sa Barangay Kuloy sa Shariff Aguak ng motorsiklo ni Diocolano na agad namang naisauli sa kanyang pamilya.
