COTABATO CITY (August 2, 2026) — Magkahiwalay na nagpasalamat nitong nakalipas na mga araw ang napakaraming mga residente ng apat na bayan sa Bangsamoro Special Geographic Area (SGA) sa kanilang kinikilalang “doctor to the barrio” sa kanyang pangunguna sa walang patid na mga medical missions sa kanilang mga barangays mula pa noong 2022.
Sa pinakabagong pinagsamang tala ng mga local government officials at ng mga kawani ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region, abot na ng 4,873 katao, kabilang ang mga bata at mga senior citizens, ang naka-benepisyo sa mga magkatuwang na medical missions sa Ligawasan, Malidegao, Kapalawan at Old Kaabacan ng kanilang kinikilalang doctor to the barrio na si Bangsamoro Parliament Member Kadil Sinolinding, Jr., ng mga kawani ng MoH-BARMM na kanyang pinamumunuan, ng mga health workers sa naturang apat na mga bayan at ng public service team ng Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato.
Ang naturang mga medical missions ay suportado ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza.
Ang Ligawasan, Malidegao, Kapalawan at Old Kaabacan ay sakop ng Bangsamoro Special Geographic SGA, ngunit nasa loob ng teritoryo ng Cotabato province sa Region 12.
Bagamat hindi na saklaw ng kanyang administrasyon, walang tigil pa rin ang pag-alalay ni Gov. Mendoza, ngayon second term governor na ng Cotabato, sa mga inisyatibong pangkalusugan at mga medical missions nila Doctor Sinolinding sa mga bayan ng Ligawasan, Malidegao, Kapalawan at Old Kaabacan.
Maliban sa kanilang tinaguriang doctor to the barrio na si Doctor Sinolinding, pinasalamatan din ilang ulat na, nitong nakalipas na mga araw, ng mga residente ng Ligawasan, Malidegao, Kapalawan at Old Kaabacan ang kanilang mga mayors at vice mayors at si Gov. Taliño-Mendoza sa kanilang suporta sa medical missions na naisagawa sa kanilang mga barangay.
Kabilang sa mga hiwalay na nagpasalamat kay Doctor Sinolinding at sa mga kawani ng MoH-BARMM at ng Deseret Surgimed Hospital, sa kanilang walang tigil na pagseserbisyo publiko sa Bangsamoro SGA, ay ang mga mayors na sina Ismael “Boy Hashim” Mama ng Ligawasan, Arnal “Nayang” Timan ng Malidegao, Norman Inalang ng Kapalawan at Thonics Enalang ng Old Kaabacan.
Ayon sa mga barangay officials, malaki ang naging ambag ng tanggapan ng naturang apat na mayors sa matagumpay na mga medical missions sa Ligawasan Malidegao, Kapalawan at Old Kaabacan ng MoH-BARMM, ng Deseret Surgimed Hospital na sinuportahan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ng 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army at ng tanggapan ni Cotabato Gov. Taliño-Mendoza.
Makikita sa larawan si Doctor Sinolinding, physician-ophthalmologist na nagpaka-dalubhasa sa India, at ang eye patient na kanyang ginamot sa isa sa kanilang mga medical missions bago lamang. []
