COTABATO CITY (March 6, 2026) — Sinuri ng isang public service team, upang malaman kung may mga diperensya sa paningin na isa sa dahilan ng low performance sa paaralan, ang mga mag-aaral sa Langgongan Elementary School sa Barangay Langgongan sa Kapalawan sa Bangsamoro Special Geographic Area sa Cotabato province nitong Huwebes.
Ang nagsagawa ng naturang community service mission, isang Ramadhan offering, ay ang public service team ng tanggapan sa 80-seat Bangsamoro parliament ni regional lawmaker Kadil Sinolinding, Jr. na siya ring namamahala ng Ministry of Health Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Mismong local executives sa Kapalawan, kabilang si Vice Mayor Serafin Maguid, at ang mga teachers sa Langgongan Elementary School ang nagpaabot nitong Biyernes sa mga reporters ng impormasyon hinggil sa naturang humanitarian activity ng tanggapan ni Member of Parliament Sinolinding at ng kanilang chief minister na si Abdulrauf Macacua.
Ayon kay Vice Mayor Maguid, nito lang Lunes, March 2, nagpa-deliver sa kanilang municipal government center ng mahigit 10 na malalaking kahon na may lamang mga gamot para sa iba’t-ibang karamdaman ang tanggapan ni Sinolinding bilang suporta sa health care programs ng kanilang municipal health office para sa mga mahirap na residente ng ibat-ibang barangay sa Kapalawan.
“Malaking bagay para sa mga residente ng Kapalawan ang mga public service programs ni Bangsamoro Health Minister Sinolinding at ng kanyang mga subordinate-employees sa Ministry of Health at sa kanyang tanggapan sa Bangsamoro regional parliament,” pahayag ni Maguid. “Maraming salamat din kay Bangsamoro Chief Minister Macacua.”
Lahat ng mga public service activities nila Sinolinding, isang physician-ophthalmologist na nagpaka-dalubhasa sa India, sa Kapalawan at sa pitong iba pang mga Bangsamoro municipalities sa Special Geographic Area sa Cotabato province sa Region 12, ngunit sakop ng BARMM government, ay suportado nila Cotabato Gov. Emmylou Talino-Mendoza at ni Macacua, na siyang namumuno ng autonomous regional government at ng 80-seat parliament ng rehiyon.
Sa kanyang official statement nitong Biyernes kaugnay ng kanilang vision screening activity para sa mga mag-aaral ng Langgongan Elementary School, ipinaliwanag ni eye specialist Sinolinding na ang naturang pagsusuri ng paningin ng mga grade school children ay ginawa upang malaman kung may error of refraction, o may mga problema sila sa paningin, upang agad na mabigyan ng kaukulang lunas.
Ang batang mga nasuring may problema sa mata ay magkatuwang na bibigyan ng tanggapan ni Sinolinding at ng mga kawani ng Deseret Surgimed Hospital sa bayan ng Kabacan sa Cotabato province ng sapat na pangangalaga. []
