KORONADAL CITY (March 9, 2026) — Sabay na nagpasalamat ang mga guro, mga mag-aaral na karamihan mula sa tribong Blaan, sa opisyal ng pribadong kumpanya na nagtayo ng two-classroom building sa kanilang campus sa liblib na Barangay Kipalbig sa Tampakan, South Cotabato na dinalaw sila nitong Miyerkules.
Sa ulat ng mga himpilan ng radyo nitong Linggo, pinangunahan ni Sheila Mae Garcia Ordoña, head teacher ng Claudio Delos Reyes Elementary School (CDRES) sa Barangay Kipalbig, ang kapwa mga guro at kanilang mga estudyante sa kanilang pagpasalamat sa bisitang si Armin Antonio Raquel Santos, vice president ng Melco Resorts (Philippines) Foundation Corporation, mas kilala na Melco Foundation, na nagtayo ng karagdagang two-classroom building sa kanilang campus.
Ginagamit na ang bagong gawang mga silid-aralan ng mga mag-aaral na mula sa tribong Blaan at mga non-indigenous settler families sa Barangay Kipalbig na sakop ng Blaan ancestral domain sa bayan ng Tampakan, 16 kilometro mula sa Koronadal City, ang kabisera ng South Cotabato, isa sa apat na probinsya sa Region 12.
Sa mga hiwalay na pahayag nila South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo, Jr. at ng kanilang provincial engineer na si Lloyd Esparagosa, isa pang pribadong kumpanya, ang Sagittarius Mines Incorporated (SMI), ang siyang nag-ugnay kina Santos at kanyang mga kasama sa principal at mga guro ng CDRES kaya naisakatuparan ang naturang two-classroom building project ng Melco Foundation kaugnay ng corporate social responsibility program nito.
Ayon kina Ordoña at Tamayo, malaking tulong sa mga kabataan mula sa mahirap na mga pamilya sa Barangay Kipalbig ang pagkakatayo ng Melco Foundation ng two-classroom building sa campus ng CDRES nito lang huling bahagi ng 2025.
Ayon kay Tamayo, isa ang SMI sa mga naging instrumento sa pagkakaloob nitong nakalipas na taon ng Melco Foundation ng P100 milyong pondo sa kanilang provincial government para sa pagpapagawa ng 80 classrooms sa mga bayan ng T’boli, Lake Sebu, Surallah, Polomolok, Tampakan at Tupi sa South Cotabato.
Makikita sa larawan ang two-classroom building na naitayo sa CDRES campus sa Barangay Kipalbig, para sa mga local executives at mga residenteng Blaan at mga non-indigenous settlers sa Tampakan malaking bagay para sa educational advancement ng mga kabataan sa kanilang bayan. []
