Mga batang mag-aaral, nagka-ayuda mula SMI

KORONADAL CITY (March 20, 2026) — Mahigit 300 na mga elementary pupils sa Kimlawis sa bayan ng Kiblawan sa Davao del Sur ang tumanggap ng ayudang mga tsinelas at hygiene kits mula sa isang pribadong kumpanya kaugnay ng malawak na mga humanitarian programs nito para sa publiko.

Ginanap ang naturang pag-aayuda sa mga mag-aaral ng Kimlawis Elementary School, o KES, nitong huling bahagi ng February, ayon sa ulat nitong Huwebes, March 19, ng mga local leaders at school officials na tumulong sa pagsagawa ng naturang community service activity ng Sagittarius Mines Incorporated, mas kilala na SMI.

Mismong mga kawani ng SMI, na matagal ng may mga community service activities sa mga bayan ng Kiblawan, sa Malungon sa Sarangani, sa Columbio sa Sultan Kudarat at sa Tampakan, South Cotabato, ang nanguna sa naturang outreach activity.

Sa pahayag nitong Huwebes ng guro na si Johare Canacan, na siyang school head ng KES, tumulong sila sa pamimigay ng mga SMI employees, kabilang sa kanila ang occupational health nurse ng kumpanya na si Benjamin Aligsao, Jr., ng mga tsinelas at hygiene kits sa mahigit 300 na mga batang mag-aaral, marami sa kanila mula sa mga pamilyang etnikong Blaan.

Ipinaliwanag noon ni Aligsao sa mga grade school children sa KES at kanilang mga guro ang kahalagahan ng paggamit ng hygiene kits at ang pagpapanatili ng kalinisan sa pangangalaga ng kanilang kalusugan upang makaiwas sa mga karamdaman.

Tampok din sa humanitarian mission para sa mga mag-aaral ng KES ang paglunsad ng feeding program para sa kanila, ayon kay Canacan at sa mga local leaders sa Kimlawis. Suportado ng mga officials ng local government unit ng Kiblawan, isang highland municipality sa Davao del Sur, ang mga community service activities ng SMI.

Hiwalay na nagpasalamat sa SMI si school head Canacan at ang presidente ng kanilang Parents-Teachers Association, si Rebecca Labuayan, sa SMI sa pagsagawa nito ng public service activity nito para sa mga mag-aaral ng KES nitong nakalipas lang na February.

Muli namang tiniyak ni Nelsie Distura, community relations supervisor ng SMI, ang masigasig na pagtutok ng kumpanya sa mga aktibidad katulad ng health, education at mga programang naglalayong mapabuti ang socio-economic condition ng mga indigenous at settler communities na na-aabot nila.

Makikita sa larawan ang mga ilan sa mahigit 300 na mga school children sa KES sa Barangay Kimlawis na lahat tumanggap ng hygiene kits mula sa SMI na nag-outreach mission sa kanilang paaralan nitong lang nakalipas na buwan.