KORONADAL CITY (February 21, 2026) — Magkatuwang na magsasagawa ng street light project ang tanggapan ng vice mayor sa Kiblawan sa Davao del Sur at ang isang pribadong kumpanya bilang joint community service project na naglalayong makakabuti sa mga residente ng naturang bayan.
Sa ulat nitong Sabado, February 21, ng mga himpilan ng mga radyo sa Bangsamoro region at sa Region 12, o Central Mindanao, at sa Digos City na kabisera ng Davao del Sur, pormal na ipinagkaloob nitong January 26 lang ng mga kawani ng Sagittarius Mines Incorporated, mas kilala bilang SMI, ang P1.5 million na halaga ng tseke kay Kiblawan Vice Mayor Joel Calma bilang suporta ng kumpanya para sa naturang street light project.
Ang SMI ay may basbas ng national government na magpatupad ng nakatakda ng Tampakan Copper-Gold Project sa Tampakan sa probinsya ng South Cotabato, isang ekstensibong mining project na may pahintulot ng Blaan leaders sa naturang bayan at ng National Commission on Indigenous Peoples.
Ayon kay Vice Mayor Calma, bagama’t hindi pa nakakapagsimulang mag-mina ng copper at gold sa tampakan, gumastos na ang SMI ng mahigit P2 billion nitong nakalipas na mga taon para sa mga education, health, social welfare at iba pang mga community empowerment projects nito sa Tampakan, sa Kiblawan at sa mga bayan ng Malungon sa Sarangani at sa Columbio sa Sultan Kudarat. Masigasig at malawak ang kooperasyon ng SMI at ng mga local government units sa nabanggit na apat na mga bayan sa pagpapatupad ng naturang mga proyekto, ayon sa kanya.
Ayon kay Vice Mayor Calma, malaking ginhawa ang maidudulot sa mga residente ng Kiblawan ng street light project na pinondohan ng SMI.
Ayon kay Vice Mayor Calma, sobrang laki na ng pondong itinustos ng SMI para sa ibat-ibang mga community service projects nito sa Kiblawan nitong mga nakalipas na mga taon.
Makikita sa larawan ang pagtanggap ni Vice Mayor Calma ng tsekeng nagkakahalaga ng P1.5 million mula sa kawani ng SMI na si Nelsie Distura, laan para sa magkatuwang na street light project ng kanyang tanggapan at ng kumpanya sa kanilang bayan. []
