COTABATO CITY (May 23, 2026) — Nagalak ang mga local executives at mga Moro datus sa bayan ng Tugunan sa Bangsamoro Special Geographic Area sa probinsya ng Cotabato sa pagkakatuli ng libre ng 239 na mga elementary pupils sa dalawang araw na “Oplan Tuli” sa naturang bayan ng public service team ng dalawang miyembro ng regional parliament ng autonomous region.
Mismong sina Tugunan Mayor Abdullah Abas at ang kanyang mga sakop na mga barangay officials ang nag-ulat nitong Sabado, May 23, na abot ng 239 na mga batang mula sa mga mahirap na mga pamilya sa kanilang bayan ang natuli ng public service team nila parliament member Kadil Sinolinding, Jr. at ng kanilang chief minister, si Abdulrauf Macacua, sa kanilang community outreach mission nitong Lunes, May 18, at Martes, May 19.
Katuwang ng mga tanggapan nila Sinolinding at Macacua sa naturang medical mission, sa Barangay Manaulanen sa Tugunan, ang mga medics mula sa Deseret Surgimed Hospital sa bayan ng Kabacan sa Cotabato, ang Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ang administrasyon ni Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza.
Ang Tugunan ay isa sa walong mga bagong tatag na mga Bangsamoro municipalities sa Bangsamoro Special Geographic Area na sakop ng BARMM government, ngunit nasa Cotabato province na nasa teritoryo ng Administrative Region 12.
Ayon kay Mayor Abas, malaking bagay ang pagkakatuli sa mga 239 na mga kabataang lalaki na ang mga magulang ay kumikita lang ng sapat, para sa araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya, mula sa pagsasaka at pangingisda sa mga ilog at lawa na konektado sa hindi kalayuang Ligawasan Marsh na siyang pinaka-source ng mga freshwater fishes na binebenta sa mga palengke sa probinsya ng Cotabato.
Tumulong sa pagsagawa ng Oplan Tuli sa Tugunan ang tanggapan ni Mayor Abas at ang kanilang mga municipal health personnel.
Sa pinakahuling pinagsamang records ng mga local government units sa Bangsamoro Special Geographic Area, ng mga tanggapan nila Sinolinding at Macacua at ng MoH-BARMM, abot na ng 709 na mga batang lalaki na mula sa Muslim, Christian at non-Moro indigenous communities sa mga barangays na sakop nito ang naka-benepisyo sa Oplan Tuli mula ng magsimula ang summer break sa kanilang mga paaralan nitong huling bahagi ng April, o halos isang buwan na ang nakakalipas. []
