Illegal mining site sa Tampakan, isinara ng multi-sector team

KORONADAL CITY (February 23, 2026) — Isinara nitong Biyernes, February 20, ng isang inter-agency, multi-sector team ang isang illegal gold mining facility malapit sa isang ilog sa Barangay Tablu sa Tampakan, South Cotabato.

Agad na kinumpiska at sinira ng naturang anti-illegal mining team ang mga gamit sa pagmimina na natagpuan doon, kinabibilangan ng malalaking mga water hose, mga improvised na strainers, o salaan na gamit sa paghihiwalay ng ginto at lupang nahukay sa mga kabundukan sa paligid, mga pala at mga piko na naiwan ng mga minerong nakatakas ng mapunang may grupong papalapit sa kanila, may escorts na unipormadong mga sundalo at pulis.

Magkahiwalay na kinumpirma nitong Lunes nila Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office 12, at ni Army Major Gen. Alvin Luzon, commander ng 10th Infantry Division, ang positibong resulta ng naturang anti-illegal mining operation sa Barangay Tablu na isinagawa ng mga units ng PRO 12, ng 39th Infantry Battalion, ng Sagittarius Mines Incorporated na mas kilala bilang SMI, ng Department of Environment and Natural Resources 12 at ng municipal government ng Tampakan.

Ang SMI ay kontratado ng pamahalaan na magpatupad ng Tampakan Copper-Gold Project sa Tampakan na posibleng pasisimulan sa 2028, isang state-permitted mining operation na may written permission din mula sa mga Blaan tribal leaders sa naturang bayan at mula sa central office ng National Commission on Indigenous Peoples.

Magkahiwalay na pinasalamatan nitong Lunes ng officials ng DENR 12, nila Ardiente at Luzon at ni South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo, Jr. ang mga local executives sa Tampakan, ang SMI management at ang mga Blaan tribal leaders sa kanilang extensibong kooperasyon sa anti-illegal mining operation sa Barangay Tablu nitong Sabado.

Ayon kay Tamayo, malaking bagay ang multi-sector cooperation sa pagsugpo ng lahat ng uri ng illegal mining operations sa kanilang probinsya.

Sa mga hiwalay na tala ng tanggapan ni Tamayo, ng PRO 12 at ng 10th ID ng Philippine Army, halos 20 na mga mga illegal mining operations sa Tampakan at sa mga Blaan tribal domains sa hindi kalayuang bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat ang naisara ng naturang multi-sector environment-protection team na nagsusulong din ng massive tree at bamboo planting activities sa ibat-ibang mga bayan.

Makikita sa larawan ang improvised na daluyan ng tubig kung saan ginagawa ang paghiwalay ng ginto at lupang nahukay sa palibot ng illegal gold mine facility na sa Barangay Tablu na isinara ng isang multi-sector illegal mining team nitong Biyernes.