COTABATO CITY (February 7, 2026) Dalawang mga banyagang representatibo ng mga international humanitarian entities ang magkasunod na nakipag-dayalogo sa mga officials ng Bangsamoro labor and employment ministry sa Cotabato City kaugnay ng patuloy nilang pagtutulungan sa mga programang makakatulong sa mga manggagawa at mga marginalized sectors sa autonomous region.
Naging panauhin nitong Biyernes, February 6, ng tanggapan ni Bangsamoro Labor and Employment Minister Muslimin Sema, si Yu Ito ng Japan International Cooperation Agency, o JICA, at kanilang napag-usapan ang magtulungan sa mga livelihood trainings para sa dating mga Moro guerillas na namumuhay na ng tahimik sa kani-kanilang mga lugar at para din mga mahihirap na residente ng autonomous region.
Kasama sa naturang conference, ginanap sa regional office ng Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Cotabato City, ang MoLE-BARMM officials na sina Sara Jane Sinsuat, director ng Bureau of Employment Promotion and Welfare, Abdulrakman Nor, tagapamahala ng Bureau of Labor Relations and Standards, ang kanilang chief technical consultant na si Lito Coloso, at mga senior staff ni Sema na sina Saddam Salendab at Farhana Aizah Adam.
Ang Japanese national na si Ito ang siyang direktang namamahala ng SEE BM Project ng JICA sa BARMM. Tinalakay nila ng mga MoLE-BARMM officials ang posibleng pagpapalawig pa ng SEE BM Project sa autonomous region, naglalayong mabigyan ng sapat na kaalaman sa mga livelihood activities ang mga decommissioned na mga Moro guerillas na na mga benepisyaryo ng Mindanao peace process.
Unang nagpulong sa MoLE-BARMM regional office nitong Huwebes, February 4, sina Minister Sema at Christophe Bahuet, representatibo ng United Nations Development Programme, o UNDP, na may mga humanitarian at community-empowerment programs sa Bangsamoro region.
Sa kanilang meeting ng mga MoLE-BARMM officials, muling tiniyak ni Bahuet, Philippine resident representative ng UNDP, ang kahandaan ng kanilang tanggapan sa pag-alalay sa mga development interventions na makakabuti sa mga residente ng Bangsamoro region.
Iba’t-ibang mga ahensya ng United Nations, kabilang ang International Labour Organization nito, ang tumutulong sa mga peace and development programs para sa Moro communities na dating sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, naitatag noong 1992, na napalitan ng BARMM nitong 2019 bilang resulta ng peace process ng Malacañang at ng Moro Islamic Liberation Front.
Sa kanilang meeting ni UNDP representative Bahuet, ipinaliwanag ni Sema ang mga programa at mga proyekto ng MoLE-BARMM na naaayon sa mga peace at humanitarian activities ng mga ahensya ng United Nations na kilalang masigasig na supporter ng peace process ng Malacañang at ng Mindanao Moro communities.
Mga Muslim, Christian at non-Moro indigenous communities sa BARMM ang mga benepisyaryo ng mga proyekto ng Bangsamoro regional government na suportado ng UNDP at iba pang mga ahensya ng United Nations.
Makikita sa mga larawan ang pagtanggap nila Ito ng JICA at ni Bahuet ng UNDP ng mga special tokens mula kay Sema matapos ang kanilang mga hiwalay na meetings sa mga officials ng MOLE-BARMM.
