Dawlah terror group leader, tepok sa engkwentro

COTABATO CITY (March 9, 2026) — Nasawi ang kinikilalang “emir,” o pinaka-pinuno ng Dawlah Islamiya-Hassan group nang manlaban sa magkasanib na tropa ng 601st at 602nd Infantry Brigades na nagtangkang arestuhin siya sa isang anti-terror operation sa Barangay Tinimbacan sa Banisilan, Cotabato nitong umaga ng Linggo, March 8.

Sa ulat nito ring Linggo ng mga local executives sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte, una nang sunod-sunod na sumuko sa 6th Infantry Division at Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang abot sa 346 na mga tagasunod ng napatay na teroristang si Emarudin Kulaw, isang etnikong Maguindanaon, nitong nakalipas na apat na taon,

Ang mga sumukong taga-sunod ni Kulaw ay naibalik na sa mainstream society sa pagtutulungan ng 6th ID, ng PRO-BAR at ng iba’t-ibang mga government line agencies sa Region 12 at ng regional government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa ulat nito ring Linggo nila Major Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 6th Infantry Division, at ng kanyang immediate-superior na si Lt. Gen. Donald Gumiran ng Western Mindanao Command, mga local executives at mga residente ng Banisilan ang siyang nag-ulat ng ng kinaroroonan sa Barangay Tinimbacan ng matagal ng wanted na si Kulaw kaya naikasa ang anti-terror operation na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Mismong mga local executives at mga traditional Moro at mga non-Moro indigenous community leaders sa probinsya ng Cotabato ang nag-kumpirma nito ring Linggo ng pagkasawi sa naturang engkwentro ni Kulaw na wanted sa mahigit 20 na mga criminal cases, kabilang ang multiple murder, multiple frustrated murder, destructive arson at extortion, na nakabinbin sa iba’t-ibang mga korte sa Central Mindanao.

Ayon sa kanila, unang pinaputukan ni Kulaw at ng kanyang apat na mga kasama ang mga sundalong mula sa 601st at 602nd Infantry Brigade, pinamumunuan nila Brig. Gen. Edgar Catu at ni Brig. Gen. Ricky Bunayog ayon sa pagkakasunod, kaya nagka-engkwentro na nagresulta sa kanyang agarang pagkasawi. Nakatakas ang apat na mga armadong kasama ni Kulaw, iniwan siyang nakabulagta, wala nang buhay.

Nakumpiska ng mga sundalo ang isang M653 rifle mula sa nasawing lider ng Dawlah Islamiya-Hassan group at mga sangkap sa paggawa ng improvised explosive devices.

Si Kulaw, bihasa sa paggawa ng mga IED, ay mula sa probinsya ng Maguindanao del Sur at lumikas sa Banisilan, isa sa 17 na mga bayan sa Cotabato province, matapos mapatay ng mga sundalo ang leader ng Dawlah Islamiya-Karialan group na si Muhiden Animbang, mas kilala sa alyas na “Karialan,” sa isang engkwentro sa isang liblib na lugar sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao del Sur halos tatlong taon na ang nakakalipas.