BARMM workers may dagdag P50 sa arawang sahod ngayon 2026

COTABATO CITY (July 16, 2026) — May dalawang beses na P25 na dagdag, o kabuuang P50, ngayong 2026, ang arawang sahod ng mga manggagawa sa Bangsamoro region batay sa bagong wage order na nilagdaan ng mga miyembro ng Bangsamoro Tripartite Wages and Productivity Board, o BTWPB nitong Miyerkules, July 15.

Sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang mga probinsya ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Lanao del Sur, Basilan at Tawi-Tawi at ang mga lungsod ng Lamitan, Marawi at Cotabato. Ang bagong wage order na saklaw ang naturang mga lugar ay nilagdaan ng mga miyembro ng BTWPB sa regional office ng Ministry of Labor and Employment-BARMM sa Cotabato City nitong umaga ng Miyerkules, sa presensya ng mga reporters.

Sa bagong wage order, ang arawang sahod na P411 ng non-agriculture workers sa mga lungsod ng Lamitan, Marawi at Cotabato ay magiging P436 na mula July 15, 2026 at madadagdagan pa ng P25 sa December 1 ngayong taon upang maging P461 na.

Ang sahod ng agriculture at retail, o business establishment workers sa naturang tatlong mga lungsod na P386 ay dapat maging P411 na, batay sa new minimum wage order at, pagdating ng December 1 ngayong taon, madadagdagan pa ng P25 upang maging P436 na bawat araw na.

Sa bagong wage order, ang arawang sahod ng non-agriculture workers sa limang probinsya ng BARMM na P386 ay dapat na madagdagan ng P25 bawat araw simula July 15 at, sa December 1, ay may karagdagang P25 pa upang maging P436 na.

Ang mga agriculture at retail workers naman sa limang Bangsamoro provinces na kasalukuyang sumasahod ng P376 ay tatanggap ng P25 na increase sa arawang sahod upang maging P401 daily na at dagdag pa na P25 sa December 1 upang ganap ng maging P426 na bawat araw.

Ang bagong wage order ay nilagdaan ng mga miyembro ng BTWPB na sina Jonathan Acosta na workers’ representative, si Haron Bandila at Joseph Go, bilang kinatawan ng private management sector, o may mga sakop na mga manggagawa, ng regional government officials na sina Mohajirin Ali at Farserina Mohammad bilang BTWPB chairpersons at ni Muslimin Sema, na siyang minister ng Ministry of Labor and Employment-BARMM.

Ayon kay Sema, ang effectivity ng bagong wage order na kanilang nilagdaan nitong Miyerkules sa MoLE-BARMM regional office ay magkakabisa 15 days matapos mailathala sa isang regional newspaper para sa kabatiran ng mga residente ng autonomous region.

Sa mga hiwalay na pahayag sa mga reporters na sumaksi sa kanilang paglagda ng pinakabagong wage order, ipinaliwanag nila Minister Sema na naka-base sa mga hiwalay na mga ekstensibong konsultasyon at dayalago sa mga kinatawan ng employer at labor sectors ang dalawang magkasunod na P25 na increase, o kabuuang P50 increase ngayong 2026 sa arawang sahod ng mga manggagawa sa BARMM. []