Binigyang halaga at pinuri ng isang doctor na kasapi ng Bangsamoro parliament ang mga nutrition workers sa bansa sa kanilang pagse-serbisyo sa publiko na madalas mas inuuna pa nila kaysa sa kapakanan ng kani-kanilang mga pamilya.
Sa kanyang mensahe bilang guest of honor sa ginawang 2025 Grand Nutrition Awards sa Marco Polo Hotel sa Cebu City nitong Biyernes, August 15, 2025, ipinaliwanag ng Bangsamoro lawmaker na si Kadil Monera Sinolinding, Jr. na masigasig ang nutrition programs ng regional government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao sa limang probinsya at tatlong mga lungsod na sakop nito. Kasalukuyang health minister din ng BARMM government si Member of Parliament Sinolinding.
Mismong ang pinakamataas na opisyal ng National Nutrition Council 7, si Doctor Parolita Mission, ang siyang nag-imbita kay BARMM Health Minister Sinolinding na maging guest of honor sa 2025 Grand Nutrition Awards event.
Si BARMM Minister Sinolinding, nagsimula ng kanyang public service career bilang “doctor to the barrio” sa mga bayan ng Pagalungan at Datu Montawal sa Maguindanao del Sur kung saan naging municipal health officer siya ng naturang mga bayan, ay naging tagapamahala din ng National Nutrition Council-BARMM bago naging kasapi ng 80-seat Bangsamoro parliament mula pa noong 2022.
Sa kanyang mensahe sa mga dumalo sa 2025 Grand Nutrition Awards sa Marco Polo Hotel sa Cebu City, binigyang diin ni BARMM Health Minister Sinolinding na hindi alintana ng mga nutrition workers sa BARMM at sa iba pang mga rehiyon sa bansa ang bagyo, init at ang hirap kaugnay ng kanilang paglilibot sa mga malalayong lugar upang maipalaganap ang kanilang mga nutrition programs.
Kanyang isinalaysay sa kanila na mataas pa rin ng istatistika ng pagka-bansot, o stunting, ng mga kabataan sa autonomous region dahil sa nutrition issues ngunit ito ay masigasig na tinutugunan na ng BARMM government at, katunayan, nabawasan na ng 12 percent ang stunting rate ng mga kabataan sa sa rehiyon nitong nakalipas lang na walang taon.
May P15 million allocation na ang Bangsamoro regional parliament, sa pamumuno ni Chief Minister Abdulrauf Macacua, bilang suporta sa mga programa ng Bangsamoro Nutrition Commission.
Ang multi-awarded physician-ophthalmologist na si Sinolinding ay kilala sa BARMM sa kanyang ekstensibong health and nutrition initiatives.
Makikita sa larawan si BARMM Health Minister Sinolinding hawak ang isang special citation plaque na iginawad sa kanya ng pinakamataas na opisyal ng National Nutrition Council 7, ang nurse-physician na si Mission, kaugnay ng kanyang pagdalo, bilang guest of honor, sa 2025 Grand Nutrition Awards event sa Cebu City. (August 16, 2025, Cebu City, Region 7)

Leave a Reply