Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency ang P6.8 million na halaga ng shabu sa dalawang dealers na nalambat sa Barangay Making sa Parang, Maguindanao del Norte nitong Lunes, August 11, 2025.
Ang entrapment operation na nagresulta sa pagkaaresto sa dalawang shabu dealers — sina Kintang Badal, 27-anyos, at ng kanyang 26-anyos na kasabwat na si Alinor Inidal — ay naisagawa sa tulong ng mga units ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ng Marine Battalion Landing Team 2 at ni Parang Mayor Cahar Ibay.
Kilala si Ibay, chairman ng multi-sector Parang Municipal Peace and Order Council, sa kanyang masigasig na suporta sa anti-drug campaign ng pamahalaan.
Sa ulat ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, agad na inaresto ng kanilang mga operatiba ang dalawang suspects matapos nilang mabilhan ng isang kilong shabu sa Purok Nursery sa Barangay Making sa Parang.
Ayon sa mga local executives sa Parang at mga imbestigador ng Parang Municipal Police Station, maliban sa shabu na nagkakahalaga ng P6.8 million, nakumpiska rin ng mga PDEA-BARMM agents at mga pulis ang isang Suzuki Raider na motorsiklo ng mga suspects.
Nasa kustodiya na ng PDEA-BARM ang dalawang suspects, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (August 11, 2025, Parang, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)

Leave a Reply