Anim katao, tatlo sa kanila mga babaeng magkasabwat sa pamamalakad ng isang drug den sa Barangay Fatima sa General Santos City, ang na-entrap ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-12 nitong Biyernes, August 8, 2025.
Naikasa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na suspects batay sa mga ulat ng mga barangay officials hinggil sa kanilang mga illegal na gawain.
Sa ulat nitong Sabado ni Benjamin Recites III, director ng Philippine Drug Enforcement Agency-12, agad na inaresto ng kanilang mga agents at mga operatiba ng General Santos City Police Office at ng Police Regional Office-12 ang anim na suspects matapos nilang mabilhan ng walong gramo ng shabu mismo sa kanilang drug den sa Purok 18, Employees Village sa Barangay Fatima.
Nakumpiskahan ang mga suspects ng hindi bababa sa P54,000 ang halaga, gagamiting ebidensya sa pagsampa sa kanila ng kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kabilang sa mga nagsuplong na may drug den ang mga naarestong suspects ang kanilang mga malapit na kamag-anak na siyang nagturo sa PDEA-12 ng kinaroroonan nito.
Ayon kay Recites, malaki din ang naitulong sa naturang matagumpay na entrapment operation ng director ng PRO-12, si Police Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz. (August 9, 2025, General Santos City, Region 12)

Leave a Reply