`Doctor to the barrio,’ supporters muling nag-serbisyo sa SGA

COTABATO CITY (July 31, 2026) — Malaking bilang ng mga residenteng Moro, ilan sa kanila mga bata, mula sa mga mahirap na pamilya ang nasuri ang mga karamdaman para sa kaukulang gamutan sa magkatuwang na humanitarian mission ng Bangsamoro health ministry at mga supporters nitong peace-advocacy groups nitong Miyerkules, July 29, sa Barangay Rajah Muda sa Ligawasan.

May mga residente din ng Barangay Rajah Muda ang narehistro sa Philippine Health Insurance (PhilHealth) bilang parte ng naturang community service activity ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, pinangunahan mismo ni Health Minister Kadil Sinolinding, Jr., mas kilala na “Doc Jojo” sa Bangsamoro Special Geographic Area sa probinsya ng Cotabato.

Ang Ligawasan ay isa sa walong mga bayan sa Bangsamoro Special Geographic Area, o SGA, na sakop ng BARMM government, ngunit nasa teritoryo ng Cotabato, isa sa apat na mga probinsya ng Region 12.

Ang outreach mission nitong Miyerkules, July 29, sa Barangay Rajah Muda sa Ligawasan nila Health Minister Sinolinding, naturingang “doctor to the barrio,” ay kaugnay ng Bangsamoro Health Outreach Program for Everyone, o BHOPE, ng MoH-BARMM. Suportado ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ang lahat ng medical service missions ni Health Minister Sinolinding kahit hindi na niya sakop ang mga bayang nasa SGA na saklaw ang mga barangays na dating nasa teritoryo ng mga bayang sakop ng Cotabato provincial government.

Mismong mga municipal at barangay officials sa Ligawasan ang nag-ulat nitong Sabado, July 31, na malaking bilang ng kanilang mga sakop na residente, ilan sa kanila mga batang may problema sa paningin, ang nasuri, para sa kaukulang gamutan, ni Health Minister Sinolinding, isang physician-ophthalmologist na nagpakadalubhasa sa India. Si Health Minister Sinolinding ay miyembro din ng 80-seat Bangsamoro parliament.

Ayon sa mga local officials sa Ligawasan, kabilang si Mayor Ismael Mama, mas kilala sa kanilang bayan na “Boy Hashim,” malaking tulong sa kanilang mga sakop na residente ang humanitarian mission nila Health Minister Sinolinding sa Barangay Rajah Muda, naisagawa sa tulong ng kanilang local government unit, ng PhilHealth-BARMM at ng Deseret SurgiMed Hospital sa Kabacan sa probinsya ng Cotabato at ni Gov. Taliño-Mendoza.

Ayon sa mga municipal officials ng Ligawasan, lahat ng mga residenteng naka-benepisyo sa health service mission nila Health Minister Sinolinding at mga volunteer groups na suportado ang kanyang mga public service activities sa SGA ay mula sa mga pamilyang kumikita lang ng sapat para sa kanilang mga araw-araw na pangangailangan. []