75 drivers sa Cotabato City na hikahos, nagka-ayuda ng bigas

COTABATO CITY (July 11, 2026) — Malaking grupo ng mga drivers ng passenger vehicles sa Cotabato City na kulang ang kinikita para sa araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya ang tumanggap ng ayudang bigas mula sa public service team ng tanggapan ng isang Bangsamoro parliament member nitong Miyerkules, July 8.

Ilang mga benepisyaryo ng naturang outreach mission — mga Moro at non-Moro drivers ng mga pampasaherong sasakyan — ang nagpaabot nitong nakalipas na Huwebes at Biyernes sa ilang mga reporters sa Cotabato City ng kanilang pasasalamat sa abogadong si Naguib Sinarimbo, floor leader ng Bangsamoro parliament, para sa ayudang bigas mula sa kanyang tanggapan.

Ang mga sasakyang pampasahero na minamaneho ng naturang 75 na mga drivers ay bumibyahe sa mga kalye sa Cotabato City, na siyang kabisera ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at sa mga hindi kalayuang mga lugar na sakop ng mga bayan ng Datu Odin Sinsuat at Sultan Kudarat sa probinsya ng Maguindanao del Norte.

Una ng nagpaabot ang maraming drivers sa public service team ng tanggapan ni Bangsamoro lawmaker Sinarimbo ng kanilang hinaing hinggil sa mataas na presyo ng mga bilihin sa mga commercial establishments at gasolina na kailangan sa kanilang pamamasada araw-araw.

Marami sa 75 na mga drivers na tumanggap ng ayudang bigas nitong Miyerkules, July 8, mula sa tanggapan ni Sinarimbo ay may mga pinapaaral na mga anak sa ibat-ibang elementary, high school at college institutions sa Cotabato City.

Si Sinarimbo ay naging local government minister muna ng BARMM bago itinalagang miyembro ng 80-seat Bangsamoro parliament ni President Ferdinand Marcos, Jr. nitong March 2025.