COTABATO CITY (May 30, 2026) — Mahigit 100 na mga batang mula sa mga mahirap na pamilya ang tumanggap ng mga school supplies, raincoats at bigas sa magkatuwang na outreach mission ng dalawang miyembro ng Bangsamoro parliament sa Barangay Tamped sa Old Kaabacan sa probinsya ng Cotabato nitong Martes, May 26.
Ipinaabot sa mga reporters nitong Sabado, May 30, ni Francisco Saliling, barangay chairman ng Tamped, na 116 na mga batang etnikong Menufu-Aromanen at mga Moro, mula sa mga mahirap na pamilya, ang tumanggap ng mga school supplies, raincoats, mga toothbrush at toothpaste sa naturang relief mission ng dalawang miyembro ng Bangsamoro parliament, sina Froilyn Mendoza at ang doctor na si Kadil Sinolinding, Jr.
Ayon kay Barangay Chairman Saliling, malaking bilang din ng mga residente ng Tamped na may mga problema sa mata at iba pang mga karamdaman ang nasuri din noon ng libre at nabigyan ng mga gamot ng magkasanib na medical teams mula sa tanggapan ni Sinolinding sa parliament, sa Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato, at sa Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, mas kilala bilang MoH-BARMM.
Si Sinolinding ang siya ring namamahala, bilang minister, ng MoH-BARMM.
Mismong si Mendoza, isa sa mga leaders ng etnikong Teduray community sa mga probinsya ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, ang nanguna sa pamimigay ng school supplies sa mga kabataang mag-aaral sa Barangay Tamped, at ng bigas para sa kanilang mga pamilya.
Tumulong sina Barangay Chairman Saliling, si Old Kaabacan Mayor Tonicks Enalang at ang health workers ng kanilang local government unit sa pagsagawa ng public service activity nila Mendoza at Sinolinding sa Barangay Tamped, ayon sa ulat ng kawani ng kanilang mga tanggapan sa parliament sa BARMM regional capitol sa Cotabato City.
Suportado din ni BARMM Chief Minister Abdulrauf Macacua ang naturang outreach mission, ayon kina Sinolinding at Mendoza. []
