COTABATO CITY (May 6, 2026) — Naghain ng resolution nitong Lunes, May 4, ang limang mga miyembro ng 80-seat Bangsamoro parliament na humihiling kay Chief Minister Abdulrauf Macacua na pansamantalang ipatigil ang collection ng isang regional agency ng P10 na terminal fee sa mga pasahero ng barko na dumadaan sa mga pier sa autonomous region.
Sa pahayag nitong Martes ng abogadong si Jet Lim, member at spokesperson ng Bangsamoro parliament, bagama’t P10 lang ang halaga ng terminal fee na kinokolekta ng Bangsamoro Ports Management Authority (BPMA) na siyang namamahala ng mga pier sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, mabigat na rin ito para sa mga madalas na pasahero ng mga barkong kumikita lang ng sapat para sa araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Co-authors ng naturang resolution ang apat pang mga members ng Bangsamoro parliament, ang dalawang mga abogadong sina Nabil Tan at si Jose Lorena, si Haber Asarul at si Nuredha Misuari.
Ayon kay Lim at sa kanyang apat na kapwa regional lawmakers na naghain ng naturang resolution, sa pangkalahatan, walang epekto sa BARMM government kung pansamantalang itigil man ang pagkolekta ng BPMA ng P10 na terminal fee sa bawat pasahero ng mga barkong nakadaong sa mga pier na sakop ng ahensya dahil maliit lang naman ang kabuuang halaga ng nakokolekta nitong revenues mula sa naturang proseso.
Ayon kay Lim, na siyang kinatawan ng Tawi-Tawi sa Bangsamoro parliament, makakatulong ng malaki ang pansamantalang pagsuspinde sa collection ng BPMA ng P10 terminal fee mula sa bawat mahihirap na mga residente ng BARMM na apektado ng economic crisis bunga ng labis na pagtaas ng presyo ng petroleum products sa bansa sanhi ng kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Lim, naniniwala siya at ang kanyang mga co-authors sa naturang resolution na sina parliament members Tan, Lorena Asarul at Misuari na a-aprubahan ng kanilang chief minister na si Macacua, ang kanilang panukalang itigil muna ng BPMA ang pagkolekta ng P10 terminal fee mula sa mga boat passengers sa lahat ng mga pier sa BARMM.
