KABACAN, Cotabato (April 20, 2026) —-Nagalak ang mga local executives sa mga bayan ng Old Kaabacan, Kadayangan at Kapalawan sa pagkakapaayos ng ilang sirang classrooms sa mga barangay na sakop nila sa inisyatibo ni Bangsamoro parliament member Kadil Sinolinding, Jr. at ng chief minister ng autonomous region, si Abdulrauf Macacua.
Ang mga bayan ng Old Kaabacan, Kadayangan, at Kapalawan ay tatlo sa walong mga bagong tatag na mga bayan sa Bangsamoro Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa probinsya ng Cotabato sa Region 12.
Nagsagawa nito lang April 15 ang field public service team ng tanggapan ng physician-ophthalmologist na si Sinolinding, na siya ring namamahala ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ng inspection ng naturang bagong ayos na mga classrooms na napatunayang na-repair batay sa mga specifications na inilatag ng mga engineers.
Kabilang sa mga ipinaayos na mga classrooms, proyektong tinustusan ng pondo ng tanggapan ni Sinolinding sa Bangsamoro parliament, ang Simone Elementary School, Nangaan High School, ang Madrasah Darul AHLOL Igtima Islamie Incorporated at ang Madrasatol Hissatol Jarred Al-Islamie Incorporated sa Old Kaabacan.
Mismong si Mayor Thonicks Enalang ng Old Kaabacan ang nagkumpirma nitong Lunes ng pagkaka-repair ng mga classrooms sa naturang mga paaralan, bilang magkatuwang na inisyatibo ni Sinolinding at ni Bangsamoro Chief Minister Macacua.
Naipaayos din ng dalawang Bangsamoro officials ang mga sirang classrooms sa Mahad Tarbiya Lil-Olumie Islamie sa Kibayao sa Kapalawan, ayon sa mayor ng naturang bayan na si Norman Enalang.
Iniulat nitong Lunes ni Kadayangan Mayor Duma Mascud na ikinagalak ng mga residente ng Kapinpilan sa kanilang bayan ang pagkaka-repair din ng mga classrooms sa Madarasah Darul Hayat Al-Islamie Incorporated sa naturang lugar ng tanggapan ni Sinolinding.
Magkahiwalay na nagpasalamat nitong Lunes ang tatlong mga mayors kina Sinolinding at Chief Minister Macacua sa kanilang pagtugon sa kahilingan ng mga guro at mag-aaral sa naturang mga paaralan na maipaayos ang kanilang matagal ng sira-sirang mga classrooms. [][][]
