COTABATO CITY (April 12, 2026) — Magpapatuloy ang kooperasyon ng provincial government ng Cotabato, sa pamumuno ni Gov. Emmylou Taliño Mendoza, at ng 6th Infantry Division at ng component-unit nito, ang 602nd Infantry Brigade, sa mga programang makakatulong sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa probinsya at sa walong mga Bangsamoro municipalities sa Special Geographic Area na sakop nito.
Sakop ng 602nd Infantry Brigade, pinamumunuan ni Brig. Gen. Ricky Bunayog, ang malawak na bahagi ng Cotabato province na may 17 na mga bayan. Kidapawan City ang siyang provincial capital ng probinsya na may ilang mga lugar din na may units ang 10th Infantry Division.
Panauhin si Gov. Mendoza sa paggunita ng 6th ID sa Camp Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ng Araw ng Kagitingan nitong Huwebes, April 9, kung saan binigyan ng commander ng division, si Major Gen. Jose Vladimir Cagara, ng kaukulang recognition ang mga peace and security initiatives ng gobernador sa kanyang probinsya.
Kilala si Mendoza, chairperson ng Cotabato Provincial Peace and Order Council, na aktibong supporter ng peace process ng Malacañang sa mga Moro communities at sa pagpapatupad ng mga programang sumusuporta sa implementasyon ng mga hiwalay na peace agreements ng Malacañang sa Moro National Liberation Front at sa Moro Islamic Liberation Front na parehong may mga baluarte sa Cotabato na recognized bilang mga “peace zones” kaugnay ng naturang kasunduang pangkapayapaan.
Si Gov. Mendoza, habang nasa Camp Siongco, bilang panauhin sa Araw ng Kagitingan celebration ng 6th ID, at si Major Gen. Cagara ay nagpalitan ng mga assurance ng patuloy, mas masigasig na kooperasyon ng mga units ng division sa Cotabato province at ng provincial government sa mga aktibidad na naglalayong manatiling mapayapa, upang mas umunlad pa ang probinsya, ngayon kilala na bilang safe investment destination sa Region 12.
“Kami sa 6th Infantry Division ay malugod na nagpapasalamat sa provincial government ng Cotabato sa walang sawang pagsuporta nito sa aming mga peace and community service initiatives sa mga bayan sa probinsya,” ani ni Major Gen. Cagara.
Si Gov. Mendoza, maliban sa kanyang pagka-governor, ay siya ring chairperson ng inter-agency-multi-sector Regional Development Council 12 na sakop ang mga probinsya ng Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato at Sarangani at ang mga lungsod ng Kidapawan, Tacurong, Koronadal at General Santos.
Ayon kay Brig. Gen. Bunayog, masigasig din ang pagtutulungan ng 602nd Infantry Brigade at ng Cotabato provincial government sa paghimok sa mga nalalabi pa, o mga remnants, ng mga nabuwag, o defunct na na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Dawlah Islamiya na magbalik loob na sa pamahalaan upang makapamuhay na ng tahimik kapiling ang kani-kanilang mga pamilya.
Ayon sa mga officials ng 6th ID, sa mahigit 2,000 na miyembro ng mga teroristang grupong BIFF at Dawlah Islamiya na sumuko sa ibat-ibang units ng division sa Central Mindanao at ng regional police commands sa BARMM at Region 12 nitong nakalipas na limang taon, 629 sa kanila ang mula sa mga liblib na barangay sa ibat-ibang mga bayan sa Cotabato na magkatuwang na na-reintegrate, o naibalik na, sa mainstream communities ng 602nd Infantry Brigade at ng governor’s office sa probinsya.
Makikita sa larawan sina Gov. Mendoza at Major Gen. Cagara na naghandog ng isang memento, o souvenir, mula sa 6th ID, bilang courtesy gesture kaugnay ng paglahok ng governor sa pag-gunita ng division ng Araw ng Kagitingan nitong Huwebes. []
