Mga Muslims sa Columbio may Ramadhan Iftar support mula SMI

KORONADAL CITY (March 24, 2026) — Nagalak ang mga Muslim na residente ng Barangay Datalblao sa Columbio sa probinsya ng Sultan Kudarat sa magkatuwang na pagpapa-iftar sa kanila ng Sagittarius Mines Incorporated (SMI) at ng kanilang community leaders sa loob ng 30 araw nitong nakalipas na Ramadhan.

Ayon sa mga ulat ng local executives nitong Martes, isang pangkat ng 12 na mga residente ng Barangay Datalblao, kabilang sina Monera Baron at Bai Robea Singgapor, at ang kanilang mga barangay officials ang nagtulungan sa paghahanda ng iftar araw-araw para sa mga Muslim na residente ng Datalbalo na nag-puwasa nitong Ramadhan, nagsimula ng February 19 at nagtapos ng March 21.

Ang iftar ay ang unang pagkain na pinagsasaluhan ng mga Muslims bandang takipsilim, matapos ang isang buong araw na pagpupuasa.

Ang Ramadhan ay isang banal na buwan sa Islam, kung saan nag-aayuno ang mga physically-fit Muslims mula madaling araw hanggang takipsilim, sa loob ng isang buwan, bilang religious obligation. Sila ay nakatutok din, tuwing Ramadhan, sa pagsisisi at pagpapatawad sa nagawang mga mali sa bawat isa at pakikipagbati sa mga kagalit, o mga na-kaaway.

“Mula pagsimula ng Ramadhan, araw-araw kaming nagluluto gamit ang daily budget na galing sa SMI para sa pagkain. Siniguro naming makakain ang lahat ng nag-aayuno, lalo na ang mga talagang nangangailangan. Lubos kaming nagpapasalamat sa SMI at sa aming barangay officials sa kanilang kooperasyon sa naturang pagkakawanggawa,” pahayag ni Baron.

Bilang pasasalamat sa 12 na mga food preparers, tumanggap sila mula sa SMI ng cash assistance, ipinamahagi mismo ng community relations supervisor ng kumpanya na si Moreno Tagwalo.

Ang barangay chairman ng Datalblao, si Datu Zahir Mamalinta, ay nagpahayag nitong Martes na labis silang nagalak sa Ramadhan outreach activity ng SMI para sa Muslim na residente ng mga lugar na sakop ng kanyang tanggapan.

“Wagas ang aming pasasalamat sa SMI sa naturang pagkakawanggawa. Nagkakaisa kami ng SMI sa pagpapaabot ng serbisyo sa publiko sa mga residente ng Datalblao,” Pahayag ni Mamalinta.

Ang SMI ay may mga ekstensibong humanitarian projects sa mga bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat, sa Tampakan sa South Cotabato, sa Malungon sa Sarangani, at sa Kiblawan sa Davao del Sur.

Makikita sa mga larawan ang mga nagtulungan sa pagsasagawa ng araw-araw na pa-iftar, na suportado ni Mamalinta, para sa mga residente ng Datalblao nitong nakalipas na Ramadhan Islamic fasting season.