COTABATO CITY (February 26, 2026) — Tatlong mga shabu dealers, sangkot din sa pagbebenta ng marijuana, ang nalambat sa mga hiwalay na entrapment operations nitong Martes na naikasa sa tulong ng kanilang mga kamag-anak na nagsuplong ang kanilang mga illegal na gawain sa pulisya at local officials sa lungsod.
Nasa mga police detention facilities na ang mga suspects na sina Khalid Kamid Salud, 35-anyos, Abubakar Maron Madali, 40-anyos, at ng 29-anyos na si Dula Mantikayan Kasan, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022.
Sa ulat nitong Huwebes in Brig. Gen. Jaysen C. De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagtulungan sa naturang tatlong mga hiwalay na entrapment operations ang mga barangay officials sa lungsod, ang tanggapan ni Mayor Bruce Matabalao, ang mga tropa ng Cotabato City Police Office (CCPO) sa pangunguna ng kanilang director na si Col. Jibin M. Bongcayao, at mga officials ng City Police Drug Enforcement Unit, o CPDEU.
Unang naaresto hapon nitong Martes ng mga operatiba ng CCPO at ng mga kasapi ng CPDEU, pinamumunuan ni Lt. Patricia E. Bueno, ang tricycle driver na si Salud na kanilang nabilhan ng dalawang sachet ng shabu sa tapat ng campus ng Cotabato City Institute sa Barangay Poblacion 7 sa Cotabato City.
Ang shabu dealer na si Madali, isang construction worker, ay na-entrap sa Purok Balabaran sa Barangay Rosary Heights 10 ng mga anti-narcotics agents ng Cotabato City Police Station 3, sa magkatuwang na pangunguna ng kanilang station chief, si Capt. Kenneth Van A. Encabo, at ang kanyang deputy na si Captain Al-Grahammad B. Pompong.
Agad na inaresto si Madali ng mga pulis, kabilang sa kanila ang ilang kasapi ng CPDEU at iba pang mga operatibang pinamumunuan ni Bongcayao na kanyang nabentahan ng dalawang sachet ng shabu sa isang lugar sa Purok Balabaran sa Barangay Rosary Heights 10.
Si Kasan, driver ng pampasaherong motorsiklo na mas kilala sa tawag na “habal-habal,” ay na-entrap sa Block 15 sa Notre Dame Village sa Barangay Rosary Heights 8 ng mga magkasanib na mga operatiba ng Cotabato City Police Station 2, pinamumunuan ng kanilang hepe na si Capt. Anuar M. Mambatao, ng miyembro ng CPDEU at ng mga intelligence agents ng CCPO na direktang nasa control ni Bongcayao.
Si Kasan ay agad na inaresto ng mga pulis na kanyang nabentahan ng isang sachet ng shabu sa isang lugar sa Notre Dame Village na nasa southeast na bahagi ng Cotabato City, isang entrapment operation na naisagawa sa tulong ng officials ng Barangay Rosary Heights 8.
Ayon sa mga senior officials ng Bangsamoro regional police, kabilang ang kanilang director na si De Guzman, at mga barangay officials, naisagawa nitong Martes ang naturang tatlong mga matagumpay na entrapment operations batay sa ulat sa kanila at sa tanggapan ni Matabalao, na chairperson ng multi-sector Cotabato City Peace and Order Council, ng mga residente sa lungsod at mga kamag-anak mismo ng tatlong suspects hinggil sa kanilang pagbebenta ng shabu. []
