COTABATO CITY (February 25, 2026) — Halos 20 combat weapons, kabilang ang assault rifles at B40 rocket at 40 millimeter grenade launchers, ang isinuko sa pulisya ng mga residente ng 16 barangays sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte nitong Martes.
Sa ulat nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, pumayag ang mga residente ng naturang 16 na mga barangays na kusang loob na isuko na ang kanilang mga armas sa magkatuwang na inisyatibo ni Mayor Abdulmain Abas, Vice Mayor Bobsteel Sinsuat at mga miyembro ng kanilang Sangguniang Bayan at ng kanilang municipal police chief na Major Katherine Paydoen at ang kanyang deputy na si Captain Sammy Paning.
Pinasalamatan nila De Guzman at ni Col. George Bagundol, Jr., Maguindanao del Norte police director, sina Mayor Abas at Vice Mayor Sinsuat at ang mga officials ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa kanilang pagtutulungan na magpalaganap sa Datu Odin Sinsuat ng isang local disarmament program kaugnay ng layuning maging mapayapa ang naturang bayan at mapabuti ang investment climate sa mga barangay na sakop nito, kung saan maraming mga agricultural projects ang maaring itatag ng mga kapitalistang taga labas.
Ang mga nagsuko ng iba’t-ibang combat weapons sa local executives ng Datu Odin Sinsuat at sa kanilang municipal police officials ay mga residente ng Baka, Taviran, Badak, Linek, Mompong, Sapalan, Nekitan, Labungan, Tinunggos, Tambak, Dulangan, Kusiong, Kakar, Binolen, Tamontaka, at Capiton na kabilang sa mahigit 30 na barangays na sakop ng naturang bayan.[]
