COTABATO CITY (February 20, 2026) —- Apat na araw bago nagsimula ngayong Huwebes, February 19, ang Islamic Ramadhan fasting season, namahagi na ng bigas sa mahihirap na mga Moro ang tanggapan ng isang abogado na kasapi ng 80-seat parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Halos 300 na mga residente, ilan sa kanila mga ustadz, o Islamic missionaries, ng Barangay Datu Binasing sa Pahamuddin sa BARMM Special Geographic Area sa probinsya ng Cotabato ang tumanggap ng bigas nitong Martes mula sa mga kawani ng tanggapan ni Bangsamoro Parliament Member Naguib Sinarimbo.
Si Sinarimbo ay naging local government minister muna ng autonomous region bago itinalagang member ng regional parliament nitong nakalipas na taon ni President Ferdinand Marcos, Jr.
Pormal na idineklara ng BARMM Darul Iftah, isang grupo ng mga Islamic theologians, na February 19 ang pagsisimula ng Ramadhan, isang banal na buwan sa Islam na tampok ang pag-aayuno ng mga physically-fit na mga Muslims mula madaling araw hanggang takipsilim sa loob ng isang buwan bilang isang religious obligation.
Nagsimulang namahagi ang tanggapan ni Sinarimbo nito pang Lunes, February 16, ng bigas sa mga Muslims na mag-aayuno ngayong Ramadhan sa isang outreach mission sa Barangay Rosary Heights 13 sa Cotabato City na regional capital ng BARMM.
Malaking bilang ng mga residente ng naturang barangay ang tumanggap ng bigas na ipinamahagi ng public service team ng tanggapan ni Sinarimbo, ayon sa mga community leaders doon mismo.
Ayon sa mga barangay officials sa Rosary Heights 13 at sa Datu Binasing sa Pahamuddin, magkatuwang sa naturang mga Ramadhan rice dispersal activities sina Sinarimbo at ang chief minister ng BARMM na si Abdulrauf Macacua. []
