COTABATO CITY (January 31, 2026) — Nakiramay sa mga pamilya ng mga nasawi sa paglubog ng M/V Trisha Kirsten 3 ang mga miyembro ng Bangsamoro parliament at kanilang inatasan na ang transportation ministry ng rehiyon na makipagtulungan sa mga national government agencies at sa Philippine Coast Guard sa pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa insidente.
Sa pinakahuling tala, abot na ng 33 ang kumpirmadong nasawi sa trahedya at 316 naman na mga sakay ng naturang barko ang nasagip ng mga rescuers mula sa ibat-ibang ahensya ng pamahalaan, ng Philippine Navy at ng Philippine Coast Guard.
Inaatasan na nito pang Miyerkules ni Chief Minister Abdulrauf Macacua ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang Ministry of Transportation and Communications-BARMM na tumulong sa pag-imbestiga sa paglubog ng M/V Trisha Kristen 3 sa karagatang sakop ng Hadji Muhtamad island municipality sa Basilan nitong madaling araw ng Linggo, January 25, habang naglalayag patungong Jolo, Sulu mula sa Zamboanga City.
Si Macacua at ang mga regional parliament members na sina physician-ophthalmologist Kadil Sinolinding, Jr., ang mga abugadong sina Naguib Sinarimbo, Suharto Ambolodto, Nabil Tan at Jet Lim ay nagpaabot na ng kanilang pakikiramay sa mga pamilya ng nasawi sa paglubog ng M/V Trisha Kirsten 3 kasabay ng pagtitiyak na bilang mga lawmakers sa BARMM, tutulong silang mabigyan ng kalutasan ang nais ng ibat-ibang sektor sa autonomous region na malaman kung ano talaga ang totoong sanhi ng naturang sakuna.
Ayon kay Sinarimbo, nalulungkot siya sa insidente na para sa kanya ay nararapat lang na ma-imbestigahan ito ng malalim upang mabigyan ng tamang closure, o kalutasan.
Ayon kay Sinolinding, na siyang namamahala ng Ministry of Health-BARMM, at sa kapwa niyang parliament member na si Raissa Jajurie, na siyang minister ng Ministry of Social Services and Development-BARMM, handa ang kanilang mga ahensyang magtulungan para sa pagbigay ng health interventions, stress debriefing at counselling sa mga survivors sa paglubog ng M/V Trisha Kirsten 3. (January 31, 2026)
