COTABATO CITY (January 24, 2026) —- Isang kakaibang ayuda, maliban pa sa mga food at medical supplies na regular na ipinamamahagi sa mga malnourished children at mga buntis ng tanggapan ng isang miyembro ng 89-seat Bangsamoro parliament, ang tinanggap mula sa kanya nitong Biyernes, January 23, isang elementary school sa Datu Montawal, Maguindanao del Sur.
Magagamit ang naturang bangkang de sagwan sa mga emergencies, o mga biglang pangangailangan sa paghatid at sundo ng mga mag-aaral, o pag-hakot ng mga essential supplies, ng Malidegao Elementary School sa Barangay Malidegao sa Montawal.
Hinatid nitong Biyernes, January 23, ng public service team ng tanggapan sa Bangsamoro regional parliament ng physician-ophthalmologist na si Kadil Sinolinding, Jr., sa head teacher ng Malidegao Elementary School ang bangka para sa pagtawid-tawid nila sa Pulangi River sa naturang bayan. Mismong si school head teacher Monella Galuken ang tumanggap ng kulay green na bangka.
Dumadaloy ang Pulangi River sa hindi kalayuan sa naturang paaralan at sa marami pang mga lugar kung saan nakatira ang mga pamilya ng mga mag-aaral nito.
Mismong ang public service team ng tanggapan ni Sinolinding, kasalukuyang minister din ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang siyang naghatid sa Malidegao Elementary School ng naturang bangkang de sagwan.
Relief mission:
Ang pag-turnover ng naturang bangka sa Malidegao Elementary School ay naganap kasunod ng isang humanitarian mission nitong Huwebes, January 22, ng tanggapan ni Sinolinding at ng chief minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, si Abdulrauf Macacua, sa Manaulanan sa bayan ng Tugunan sa BARMM Special Geographic Area sa probinsya ng Cotabato sa Region 12.
Mismong mga local officials sa Tugunan ang nag-ulat nitong Sabado ng pamamahagi ng tig-sampung kilong bigas ng public service team ng tanggapan ni Sinolinding sa 245 na mga buntis at 18 na mga hindi malusog na mga bata dahil sa kakulangan ng sapat na nutrisyon.
Magkahiwalay na nagpasalamat nitong Sabado ang mayor ng Tugunan, si Abdullah Abas, at Barangay Manaulanan Chairman Samin Pangato kina Sinolinding at Macacua sa kanilang magkatuwang na pagsasagawa ng naturang relief mission, na sinuportahan ni municipal health officer Doctor Siegfred Keene Macapas at mga health workers na sakop niya.
Makikita sa larawan ang bangka na tinanggap ng school head ng Malidegao Elementary School mula sa public service team ng tanggapan ng Sinolinding.
