Serbisyo sa SGA ng Cotabato governor, BARMM health ministry, tuloy-tuloy

COTABATO CITY (January 13, 2026) —- Nagkasundo ang mga officials ng Bangsamoro regional government at si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza na ipagpatuloy, mas palawigin pa, ang kanilang joint health services sa mga residente ng 63 predominantly Moro barangays sa kanyang probinsya, nakagrupo na sa walong bayan na sakop na ng Special Geographic Area-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Naiulat nitong Lunes, January 12, na nagpulong si Regional Health Minister Kadil Sinolinding, Jr. at si Gov. Mendoza sa kanyang tanggapan sa Kidapawan City nitong nakalipas lang na linggo kung saan nagkasundo silang ipagpatuloy ang magkatuwang na pagse-serbisyo publiko sa Special Geographic Area, mas kilala sa tawag na SGA, ng kanyang administrasyon at ng Ministry of Health-BARMM kahit hindi na sakop ang naturang 63 barangays ng Cotabato provincial government.

Ang 63 barangays sa SGA ay nakagrupo na sa walong mga BARMM municipalities, ang Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan at Ligawasan, na itinatag, sa pamamagitan ng mga hiwalay na panukala, ng 80-seat BARMM parliament nitong 2025.

Naging sakop ng BARMM ang naturang 63 barangays sa Cotabato province sa Region 12 ayon sa pagboto ng mga botante roon ng pabor, sa isang plebisito noong 2019, sa panukalang maisama ang kanila-kanilang mga barangays sa teritoryo ng BARMM na ang pagkakatatag ay resulta ng 22-taon na peace talks ng Malacañang at ng Moro Islamic Liberation Front.

Mismong ang pinakamataas na official ng BARMM, si Chief Minister Abdulrauf Macacua, ang siyang nag-atas sa physician-ophthalmologist na si Sinolinding na mag-coordinate kay Gov. Mendoza kaugnay ng layuning magpatuloy ang pagtutulungan ng Bangsamoro government at ang tanggapan ng gobernadora sa pagpapaabot ng health, socio-economic at iba pang mga humanitarian services sa mga residente ng 63 barangays sa SGA.

Ayon kay Macacua, malaking bagay para sa efficient governance at public service efforts ng BARMM government sa SGA ang masigasig na suporta ni Gov. Mendoza sa mga humanitarian programs ng mga mayors sa walong bayang sakop ng Bangsamoro region sa Cotabato province.

Ayon kina Sinolinding at Macacua, si Mendoza, chairperson ng Regional Development Council 12, kilalang hindi anti-Moro, ay masigasig na supporter ng peace process ng pamahalaan at ng Moro National Liberation Front at ng MILF na may hiwalay na peace agreements sa Malacañang at ngayon ay nagtutulungan sa pamamalakad ng ilang mga support agencies at mga ministries ng Bangsamoro government.

Sa mga hiwalay na pahayag nitong Lunes, kinumpirma nila Sinolinding, na kasapi din ng Bangsamoro parliament at ng kanyang kapwa regional lawmaker, si Mohammad Kellie Antao, na maliban sa mga magkatuwang na joint health services ng Cotabato provincial government at ng MoH-BARMM, may pondong ipinagkatiwala ang tanggapan ni Gov. Mendoza sa ilang mga hospitals sa probinsya na maaaring magamit na pandagdag sa mga bayarin ng mga mahirap na mga Muslim at Christian patients mula sa mga bayang sakop ng kanyang probinsya at sa 63 SGA barangays.

Makikita sa larawan ang isang health worker na sinusuri ang isang senior citizen na may problema na sa mga mata, sanhi ng old age, sa isang joint medical mission bago lamang sa SGA ng MoH-BARMM, ng tanggapan sa regional parliament ni Sinolinding, ni Macacua na siyang regional chief executive sa Bangsamoro region at ng administrasyon ni Gov. Mendoza.