4 drug den operators sa Cotabato City, nakasuhan na

COTABATO CITY (January 9, 2025) — Nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang apat na magkasabwat sa pamamalakad ng isang drug den na na-entrap ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Purveyors Subdivision sa Barangay Rosary Heights 11 sa Cotabato City nitong umaga ng Miyerkules, January 7.

Ayon sa mga barangay at city officials na tumulong sa pagplano ng naturang entrapment operation, nakumpiskahan ng abot sa P115,600 na halaga ng shabu sina Kamlon Mokamad Datumanong, Datu Abo Mantalbos Sanson, Muammer Digandang Matabalu at Samson Ansa Mohammad, lahat nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa ulat nitong Biyernes ni Benjamin Recites III, director ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, agad na inaresto ang apat na suspects ng mabilhan ng shabu ng kanilang mga agents mismo sa kanilang drug den sa Barangay Rosary Heights 11 sa isang entrapment operation na naging tagumpay dahil sa suporta ng Cotabato City Mayor’s Office at ng mga barangay officials na nag-ulat ng kanilang mga illegal na gawain.

Nakunan ng PDEA-BARMM agents ang apat na suspects ng 19 na mga sachets ng shabu, nagkakahalaga ng P115,600, ayon kay Recites.

Maliban sa pagbebenta ng shabu ay nagsasagawa din sina Datumanong, Sanson, Matabalu at Mohammad ng pot sessions para sa kanilang mga parukyano sa kanilang drug den na tuluyan ng naisara sa tulong ng mga community leaders na masigasig na sumusuporta sa magkatuwang na anti-narcotics campaign ng PDEA-BARMM at ng Cotabato City government.