COTABATO CITY (January 9, 2026) — Agad na natunton at naaresto ang dalawang mga nagnakaw ng isang motorsiklo, nakumpiskahan pa ng P34,000 na halaga ng shabu, sa isang police pursuit operation nitong Huwebes, January 8, sa Barangay Poblacion Dalican sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Kinumpirma nitong Biyernes ng mga local executives at mga Moro community leaders na tumulong sa naturang police operation na nakadetine na ang mga suspects na sina Daud Gandawali at Lacmudin Ibad, nahaharap na sa kaukulang mga kaso.
Sa ulat nitong Biyernes ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, unang ninakaw ng dalawang suspects ang motorsiklo ni Marvin Villanueva sa Barangay Labungan, isang highland area sa Datu Odin Sinsuat.
Ayon kay De Guzman, sa tulong ni Datu Odin Sinsuat Mayor Abdulmain Abas at Vice Mayor Bobsteel Sinsuat at ng kanilang mga sakop na barangay officials, agad na natunton sa Barangay Dalican Población ng mga tropa ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, sa pangunguna ng kanilang hepe, si Lt. Col. Esmael Madin, ang dalawang tumangay sa Kawasaki Bajaj motorcycle ni Villanueva.
Iniulat ng mga local government officials sa Datu Odin Sinsuat na nakumpiskahan ng P34,000 na halaga ng shabu sina Gandawali at Ibad, kaya dalawang criminal cases ang isasampa nila Madin sa kanila — ang isa kaugnay ng kanilang pagnakaw ng motorsiklo ni Villanueva at ang isa naman ay paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakunan din ng mga pulis sina Gandawali at Ibad ng isang replica pistol, na parang totoong pistol, na ayon sa mga barangay officials ay kanilang ginagamit sa pananakot ng mga walang kalaban-laban na mga etnikong Teduray sa mga liblib na lugar sa Datu Odin Sinsuat na kanilang sapilitang kinukunan ng pera at bigas.
