Blackmailer gamit hubad na larawan ng babae, kulong

Arestado ang isang 29-anyos na lalake sa isang entrapment operation ng Anti-Cybercrime Unit ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng Cotabato City Police Office sa Barangay Rosary Heights 13 sa Cotabato City nitong Biyernes.

Nasa kustodiya na ng Cotabato City Police Office ang suspect, ayon sa mga hiwalay na ulat nitong Linggo, July 13, ni Col. Jibin Bongcayao, city police director, at ni Major Teofisto Ferrer, Jr. na hepe ng Police Precinct 2 sa lungsod.

Ayon sa ulat ng Cotabato City Police Station 2, tinakot ng suspect ang isang karelasyon na ikakalat ang kanyang mga larawang hubad kung hindi siya nito bibigyan ng pera.

Humingi diumano ang suspect ng P5,000 “protection money” sa kanya sanang bibiktimahin na babae.

Ayon kay Police Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng PRO-BAR, na-entrap ang suspect sa pagtutulungan ng kanyang nais sanang biktimahin at ng mga operatiba ng kanilang Anti-Cybercrime Unit at ng mga pulis sa Cotabato City na pinangunahan ni Bongcayao at Ferrer.

Nahaharap na sa kasong Robbery with Intimidation of Person at Anti-Photo and Video Voyeurism Law ang suspect.

Ayon kay De Guzman, sasampahan din ng hiwalay na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspect dahil nakumpiskahan siya ng isang sachet ng shabu na nakita sa kanyang bulsa ng siya at kapkapan ng mga pulis na nag-entrap sa kanya. (July 13, 2025)

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *