COTABATO CITY (March 11, 2026) — Ipinapatupad na mula pa nitong Lunes, March 9, ng provincial government ng Cotabato sa Region 12 ang apat na araw na lang na trabaho sa mga tanggapan nito, kaugnay ng Memorandum Circular 114 ng Malacañang na nag-uutos ng pagtitipid ng enerhiya sa lahat ng mga tanggapan ng pamahalaan sa buong bansa.
Mismong si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, presiding chairperson ng multi-sector Regional Development Council 12, ang nag-anunsyo ng pagpapatupad ng kanyang administrasyon ng 4-day work week sa lahat ng tanggapan ng kanilang provincial government na ang kapitolyo ay nasa Barangay Amas sa Kidapawan City.
Mas magiging masigasig na ngayon ang Cotabato provincial government sa utilization ng mga power-saving systems para sa mga gamit sa mga tanggapan nitong gumagana sa kuryente.
Lilimitahan na rin ng mga kawani ng Cotabato provincial government ang paggamit ng mga ilaw sa loob at labas ng mga gusali na kinaroroonan ng kanilang mga tanggapan.
Ayon kay Mendoza, ngayon second-term governor na, ang naturang work arrangement at energy conservation measures ay naaayon sa alituntunin ng Civil Service Commission.
Nilinaw naman ni Mendoza na ang kawani mga divisions ng Cotabato provincial government na may mga frontline emergency functions at may mga public safety response missions ay magpapatuloy ng kanilang round-the-clock operation upang hindi mabalam ang mga life-saving at mga community welfare and protection operations ng mga ito. []
