Tatlo ang patay at pitong iba pa ang sugatan sa engkwentro ng dalawang mga magkalabang grupong kasapi ng Moro Islamic Liberation Front sa Barangay Linantangan sa Shariff Saidona Mustapha, Maguindanao del Sur nitong umaga ng Linggo, August 10, 2025.
Sa ulat nitong Lunes, August 11, ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, sakay ng tatlong mga minivan, patungo sa isang lugar, ang mga tauhan nila Commander Malimbuteng at Zainudin Kairo, parehong mga kasapi 128 MILF Base Command, ng tambangan, ambush-style, ng grupo nila Kagui Gani Adam, Esmail Salim at Tuhami Mamulintao sa isang bahagi ng highway sa Barangay Linantangan.
Sina Adam, Salim at Mamulintao ay mga miyembro ng 118th MILF Base Command, ayon sa mga barangay officials sa Linantangan at mga imbestigador ng Shariff Saidona Municipal Police Station.
Kinumpirma ng mga barangay officials at mga kawani ng local government unit ng Shariff Saidona Mustapha na tatlong mga sakay ng mga naka-convoy na minivan ang agad na namatay sa mga tama ng bala habang pitong iba pa ang sugatan sanhi ng naturang ambush.
Nagsanhi ng panic ang mga putok na umalingawngaw sa kapaligiran ng ambush scene sa mga residente ng Barangay Linantangan at mga estudyante ng isang Islamic religious school na hindi kalayuan sa pinangyarihan nito.
Ayon sa mga local officials, matagal ng may alitan ang dalawang mga magkaaway na grupong parehong nasa hanay ng MILF. Nag-ugat diumano ang kanilang away sa agawan ng mga teritoryo at pulitika.
Magkalabang mga pulitiko ang kanilang mga sinuportahan nitong nakalipas na May 12, 2025 elections. (August 11, 2025, Shariff Saidona Mustapha, Maguindanao del Sur, Bangsamoro Region)

Leave a Reply