COTABATO CITY (August 16, 2026) — Tatlong governors at isang vice governor sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang sumanib na sa Bangsamoro Federalist Party sa isang seremonya na ginanap sa regional capitol ng BARMM sa Cotabato City nitong Linggo, August 16.
Ang Bangsamoro Federalist Party ay isa sa mahigit 10 na mga political parties na binigyang pahintulot ng Commission on Elections na lumahok sa September 14 parliamentary elections sa BARMM.
Ang tatlong mga governors, sina Ysmael Sali ng Tawi-Tawi, Tucao Mastura ng Maguindanao del Norte at Ali Midtimbang ng Maguindanao del Sur, at si Vice Gov. Jim Salliman ng Basilan ay nanumpa ng katapatan sa Bangsamoro Federalist Party sa harap ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua, ang regional chairman ng partido.
Ginanap ang oathtaking nila Sali, Mastura, Midtimbang at Salliman sa Shariff Kabunsuan Complex sa loob ng BARMM capitol sa Cotabato City nitong umaga ng Linggo.
Saksi sa naturang seremonya ang BARMM parliament members na sina Tomanda Antok at Naguib Sinarimbo na kabilang sa mga founders ng Bangsamoro Federalist Party, si Bangsamoro Local Government Minister Jordan Bayam at iba pang mga regional lawmakers at mga local executives mula sa Tawi-Tawi, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur at Basilan.
Sobra sa kalahati na ng 116 municipal mayors sa BARMM ang una ng sumanib na sa Bangsamoro Federalist Party nitong nakalipas na anim na buwan.
Si Vice Gov. Salliman ay sinamahan sa venue ng naturang oathtaking rite ng mga mayors ng ibat-ibang bayan sa Basilan.
Dumalo rin sa naturang oathtaking si Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr., kung saan kanyang ibinalita sa maraming mga sumaksi rito ang kanyang full support sa liderato ni Chief Minister Macacua na ayon sa kanya ay nais niya at ng kanyang mga constituent-local executives na maging chief minister pa rin ng BARMM matapos ang September 14 parliamentary elections sa rehiyon.
Si Adiong ay isang ranking official ng Serbisyong Inklusibo, Alyansang Progresibo (SIAP) Party — ang pinaka-unang regional party sa BARMM, na-organisa noon pang panahon ng pinalitan nitong Autonomous Region in Muslim Mindanao, o ARMM, noong 2019.
Ang popular na SIAP Party ay may mahigit 500,000 na mga dokumentadong miyembro at supporters sa limang probinsya at tatlong lungsod sa Bangsamoro region.
Makikita sa larawan, mula sa kaliwa, sina Mastura, Sali, Midtimbang at Salliman sa kanilang oathtaking bilang mga bagong miyembro ng Bangsamoro Federalist Party.
