COTABATO CITY (May 14, 2026) — Abot ng 277 na mga residente ng Barangay Tacupan sa bayan ng Carmen sa Cotabato province, kabilang ang mga bata, mga senior citizens at mga buntis, ang nakabenepisyo sa isang outreach community health mission ng kanilang provincial government nitong Martes, May 12.
Sa ulat nitong Huwebes ng mga barangay officials at mga traditional leaders ng mga Christian, Muslim at non-Moro indigenous communities sa Tacupan, nagtulungan sa naturang public service activity ang tanggapan ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, ang provincial health office na sakop ng kanyang administrasyon at ang Integrated Provincial Health Office-Cotabato at ang local government unit ng Carmen.
Ang Carmen ay isa sa 17 na mga bayan na sakop ng probinsya ng Cotabato na ang kabisera ay Kidapawan City kung saan naroroon ang provincial capitol nito.
Mismong si Gov. Mendoza at mga doctors mula sa provincial health office at IPHO-Cotabato ang magkatuwang na nanguna sa community service event sa Tacupan, ayon sa mga municipal at barangay officials sa Carmen.
Ilang mga bata din na mula sa mga mahirap na mga pamilya sa Tacupan ang natuli ng libre sa naturang medical and dental outreach event, ayon sa mga barangay officials.
“Ang ganitong mga community health service engagements ng Cotabato provincial government ay kaugnay ng layuning matugunan ang mga medical at dental services needs ng mga residente ng probinsya,” pahayag ni Gov. Mendoza nitong Huwebes, kaugnay ng kanilang medical at dental services missions sa Barangay Tacupan nitong Martes.
Una ng pinasalamatan nitong Lunes ng kasalukuyang health minister ng Bangsamoro region, ang doctor na si Kadil Sinolinding, Jr., ang tanggapan ni Gov. Mendoza sa pagsuporta sa mga serye ng kanilang “Oplan Tuli” para sa mga batang mula sa mga mahirap na pamilya sa mga bagong tatag na mga Bangsamoro municipalities sa Bangsamoro Special Geographic Area na sakop na ng regional government ng autonomous region, ngunit nasa teritoryo ng Cotabato, isa sa apat na mga probinsya sa Administrative Region 12.
Sa tala ng mga kawani ng Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato at ng tanggapan ng physician-ophthalmologist na si Sinolinding sa 80-seat parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, abot na ng 603 na mga bata sa mga bayan ng Bangsamoro Special Geographic Area at mga barangay sa mga karatig na municipalities na sakop ng administrasyon ni Gov. Mendoza ang ang natuli ng libre, bilang mga benepisyaryo ng Oplan Tuli, mula ng magsimula ang summer vacation ng mga mag-aaral sa mga paaralan sa naturang mga lugar nitong nakalipas na buwan ng Abril.
Ayon kay Bangsamoro parliament member Sinolinding, na siya ring namamahala ng Ministry of Health-BARMM, bagamat hindi na sakop ng provincial government ng Cotabato ang mga barangays sa Bangsamoro Special Geographic Area, walang patid ang pag-alalay ni Gov. Mendoza sa mga health services ng Bangsamoro regional government sa naturang mga lugar na mismong ang regional health ministry at ang tanggapan ni Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua ang magkatuwang na nagpapatupad.
